A Spoken Word Poetry

Kapag Nakita Mo Na Siya
by Maimai Cantillano

Kapag nakita mo na sya, wag ka magtaka kung di ka kaagad nya makikala. Kung ano ang naramdaman mong kilig, baka iyon naman ang naramdaman n’yang inis. Kung paano mo siya titigan, baka ganun ka lang din nya lagpasan, baliwalain at hindi pansinin. Kung gaano kabilis ang tibok ng puso mo nung nakita mo siya, baka ganun din kabilis ang pag-alis niya. At sigurado ako itataboy ka nya palayo. Kapag nangyari ‘yun, wag mo sana isiping wala ng pag-asa. Siguro sanay na lang din talaga syang mag-isa. At sa hinaba-haba ng panahon ng pag-iisa niya, iniisip nya na hindi na nya kailangan ng iba. Ng isang katulad mo na maaring magdala sa kanya sa ibang mundo. Marahil ganyan ang turo sa kanya ng buhay at pag-ibig. Ang damhin ang lahat ng sakit, ang tanggapin ang anumang ibato ng buhay. Ang palayain ang lahat ng emosyon hanggang sa wala na syang muling maramdaman pa. Kaya’t kapag nakita mo na siya, hindi na siya naniniwala sa paghiling sa mga bulalakaw. Hindi na siya namamangha sa mahika ng buwan at mga bituin. O sa kung ano mang pwersa ng uniberso na maaring magtulak sa kanya patungo sa ‘yo. Hindi na siya naniniwala sa anu mang salita na nilikha ng pag-ibig. Hindi na siya naniniwala sa pag-ibig. Kapag nakita mo na siya, baka ang tanging papel na lang ng puso nya ay ang panatilihin syang buhay. Baka tumitibok na lamang ito para padaluyin ang dugo sa katawan nya. Dahil kapag nakita mo na sya, hindi na nya alam ang pakiramdam ng magmahal at ng mahalin..ng arugain at yakapin. Ngunit wag kang mag-alala, dahil mukha lang naman ng pag-ibig ang nakalimutan niya. Wag kang magsasawang ipaalala sa kanya kung gaano sya kaganda. Wag kang titigil sabihin sa kanyang mahal mo sya kahit na sa bawat pagbanggit mo sa salitang mahal kita ay pait at sakit ang naaalala nya. Wag kang titigil na sabihin ito sa kanya hanggang sa maalala niya na sa likod ng bawat pait ay may tamis. Sa likod ng bawat sakit ay may ligayang dulot ang mga salitang mahal kita. At kung saktan ka man ng mga salita niya, gantihan mo ito ng yakap. Kung magpumiglas siya, hatakin mo siya pabalik at yakapin ulit. Kung paulit-ulit siyang umalis, paulit ulit mo rin syang habulin. Kung paulit-ulit siyang bumitaw, paulit-ulit mo rin syang hawakan. Pakiusap, wag na wag mo siyang bibitawan. Wag na wagmo siyang pakakawalan. Ipaalala mo sa kanya na minsan rin siyang naniwala sa paghiling sa mga bulalakaw. Na minsan na rin syang namangha sa mahika ng buwan at mga bituin. Na minsan din siyang naniwala sa mga salitang nilikha ng pag-ibig. Na minsan din siyang naniwala sa pag-ibig. Ipakita mo sa kanya ang bagong mukha ng pag-ibig. Pakiusap, wag na wag mo siyang susukuan. Hanggang sa maisip niya, na ang pag-iisa ay mayroon ding hangganan

Comments

Popular Posts